GOV DELTA, IPINAGBAWAL ANG PAGDAAN NG MGA OVERLOADED TRUCK NA SANHI NG PAGKASIRA NG MGA DAAN SA PAMPANGA
Ipinagbawal ni Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda ang pagdaan at pagpasok ng mga “overloaded” trucks sa lalawigan ng Pampanga.
Sa isinagawang coordination meeting ni Governor Delta kasama sina Porac Mayor Jaime Capil, KALAM Head Buddy Dungca, mga opisyal mula North Luzon Expressway (NLEx) Corp., Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), at Highway Patrol Group (HPG), naghingi ng pang-unawa ang gobernador sa plano nitong istriktong pagpapatupad sa Republic Act No. 8794 o ang Anti-overloading Law of 2000.
Ayon sa kanya, napapanahon na umano para isagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ito para mapreserba ang mga daan at kalsada sa major thoroughfares at highways sa lalawigan.
Napag-alaman kasi na ang mga nasabing overloaded trucks ang isa sa mga sanhi ng regular na pagkasira ng mga daan na nagdudulot umano ng trapiko at minsan ay banta sa buhay ng ilang Kapampangan at motorista.
Para masolusyunan ito, nagkasundo ang mga quarry operators at truckers na sumunod sa mga parameter na ipatutupad ng NLEX katuwang ang Kapitolyo paukol sa bigat ng load na pinapayagang dalhin ng bawat truck.
Siniguro naman ni Governor Delta na lahat ng mga hindi susunod sa mga naturang guidelines ay mahaharap sa hauling suspension.
Sa kasalukuyan, on-going pa rin ang pagsukat at pagputol ng mga “overloaded” trucks sa probinsya bago sila muling makabyahe.
📸: Jaja Galang / Pampanga PIO